Naglabas ang Department of Budget and Management o DBM ng humigit-kumulang ₱27.4 bilyon para ipagpatuloy ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP Program ngayong 2026.
Ang pondo ay maaaring gamitin para sa hospitalization, gamot, emergency treatment, professional fees at iba pang gastusing medikal ng mga kwalipikadong pasyente.
Pinakamalaking bahagi, ₱19.145 bilyon, ang inilaan sa Centers for Health Development o CHDs, para maihatid ang medical assistance sa pamamagitan ng mga partner na pampubliko at pribadong health facility sa iba’t ibang lugar.
Samantala ayon sa Malacanang, ₱4.353 bilyon ang para sa DOH hospitals sa Metro Manila at mga rehiyon.
May ₱2.910 bilyon naman para sa apat na specialty hospitals kabilang ang Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center at Philippine Heart Center.
₱950 milyon ang inilaan sa UP-Philippine General Hospital, habang ₱52 milyon naman para sa Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Centers.
Ayon sa DBM, bahagi rin ng pondo ang susuporta sa eMAIFIP sa pamamagitan ng eGovPH Super App, para mas mapadali ang pag-access sa medical assistance.
Ang pondo ay mula sa regular budget ng DOH sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act.