Patuloy ang relief operations ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga komunidad na naapektuhan ng pinalakas na Habagat at mga bagyong Luis, Maymay at Neneng.
Batay sa pinakahuling Disaster Response Operations Management report ng ahensya, umabot na sa 1.66 milyon family food packs ang naipamahagi, kasama ang halos 14 libong non-food items, mahigit 22 libong ready-to-eat food at ₱2.76 milyon na financial assistance para sa mga apektadong pamilya.
Samantala, nakahanda rin sa mga warehouse ng DSWD sa iba’t ibang panig ng bansa ang karagdagang 3.79 milyon family food packs, mahigit 275 libong non-food items, at higit 315 libong ready-to-eat food items para sa patuloy na relief operations.
Ayon sa DSWD, patuloy ang koordinasyon nito sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy kung saan higit na kailangan ang karagdagang tulong at mabilis itong maipadala.
Sa tala ng ahensya, mahigit 2.12 milyon pamilya na ang naiulat na naapektuhan ng magkakasunod na weather disturbance.
Sa kasalukuyan, nasa 530 evacuation centers ang tinutuluyan ng mahigit 11,600 pamilya, o halos 40 libong indibidwal.
Mayroon ding halos 19,800 displaced families, o mahigit 78,900 katao, na nasa labas ng evacuation centers ngunit patuloy ding tumatanggap ng relief assistance.
Sinabi ng DSWD na magpapatuloy ang monitoring at pagresponde hanggang sa makabangon ang mga apektadong komunidad at makabalik ang mga pamilya sa kanilang mga tahanan.
Samantala, nagpapatuloy rin ang paghahanda ng ahensya sa mga posibleng bagyong maaaring pumasok at makaapekto sa bansa.