Hindi pa nakikitang final ang posibleng pagbabawal sa Facebook at iba pang online platforms sa Pilipinas.
Ito ang naging posisyon ng Malacañang matapos ihain ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC ang panukalang pag-ban sa Facebook, kasunod ng mga insidente ng karahasan na iniuugnay sa paggamit ng online platforms.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, kailangang tingnan muna kung talagang kailangan ang ganitong hakbang at kung ano ang magiging epekto nito sa publiko.
Kasama rin sa concern ng pamahalaan ang paggamit ng social media sa pagpapakalat ng fake news o maling impormasyon.
Pero binigyang-diin ni Castro na hindi awtomatikong nangangahulugan ang pagbatikos sa gobyerno na bawal na ito. Nananatili umano ang freedom of expression, habang ang tinututukan ay ang pagpapakalat ng maling impormasyon.
Bukod sa Facebook at Meta apps, maaari ring pag-aralan ang iba pang gaming platforms kung mapapatunayang nakasasama ang mga ito sa mga kabataan.
Sa ngayon, wala pang pinal na utos para ipagbawal ang Facebook, Meta apps o gaming platforms. Ang susunod na hakbang ay nakadepende sa magiging pag-aaral at rekomendasyon ng mga kinauukulang ahensya. | BChannel News