Opens in a new tab
Skip to content
Business

P1.4 trillion na national tax allotment, nakatakdang ipamahagi sa mga LGU sa 2027

Mas malaking pondo para sa mga local government unit o LGU ang nakatakdang ilabas ng national government sa 2027, kasabay ng pagpapatuloy ng devolution sa mga probinsya, lungsod at munisipyo.

Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, aabot sa P1.4 trillion ang projected National Tax Allotment o NTA sa susunod na taon. Mas mataas ito ng 11 percent kumpara sa kasalukuyang level. Sa Luzon lamang, tinatayang P676.9 billion ang mapupunta sa mga LGU.

Samantala, umabot naman sa P57 billion ang Local Government Support Fund o LGSF ngayong taon. Ito ay ginagamit para sa mga proyekto tulad ng local infrastructure, water systems, farm-to-market roads, health facilities at multipurpose buildings.

Para sa 2027, iminungkahing itaas pa ang LGSF sa P58.53 billion.

Kasabay nito, isinagawa ang distribution ng Special Allotment Release Orders o SAROs para sa mga munisipalidad sa Luzon. Sakop nito ang financial assistance para sa LGUs, Growth Equity Fund at Support to Barangay Development Program.

Ayon sa national government, pinasimple na rin ang ilang documentary requirements at maaaring i-monitor online ang mga request sa pamamagitan ng Ugnayang Bayan portal.

May hiwalay ding P200,000 direct allocation para sa bawat barangay nationwide mula sa Presidential Socio-Civic Projects Fund. Kalahati nito ay para sa limang graduating college students, habang ang natitirang kalahati ay para sa local development projects.

Bukod sa infrastructure, sinabi ring ginagamit ang LGSF sa social welfare at food security programs, kabilang ang Bagong Pilipinas Rice Program na nagbibigay ng 10 kilo ng libreng bigas kada dalawang buwan sa halos 8 milyong pamilya.

Hinimok naman ang mga LGU na gamitin ang kanilang pondo para sa disaster preparedness, climate adaptation at solid waste management, sa halip na hintayin pang lumaki ang gastos sa rehabilitation.