Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Ipo dam nagpakawala ng tubig; ilang bayan sa Bulacan pinag-iingat

Habang ilang bayan sa Bulacan ang ilang linggo nang nananatiling lubog sa baha, nagsimula naman ang spilling operation ng Ipo Dam alas-9 ng gabi nitong Biyernes, August 28.

Sa Hagonoy, lahat ng 26 barangay ay nakararanas ng pagbaha mula pa August 2, batay sa datos ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO.

Lagpas tatlong linggo na ring baha sa Barangay San Agustin sa Hagonoy.

Samantala, tatlong linggo na ring lubog sa baha ang bayan ng Calumpit. Sa Barangay Gugo, Calumpit, umabot na sa lampas-tao ang tubig matapos ang patuloy na pag-ulan noong August 22.

Mahigit 1,000 residente naman ang nananatili sa evacuation centers, at posible pa itong madagdagan kung patuloy na tataas ang lebel ng tubig.

Ayon sa mga ulat mula sa lugar, halos isang buwan nang hindi makapasok sa paaralan ang ilang residente, habang hindi rin makapagtrabaho ang iba dahil sa baha.

Kasabay nito, nagsagawa ng spilling operation ang Ipo Dam dahil sa patuloy na pagtaas ng water level na iniuugnay sa enhanced southwest monsoon o habagat.

Unang binuksan ang Radial Gate A nang 15 centimeters, na may tinatayang spill na 35 cubic meters per second o cms.

Kabilang sa mga LGU na inabisuhan ang Angat, Bustos, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Pulilan, Calumpit, Paombong, Hagonoy at Malolos, pati ang iba pang bahagi ng Bulacan.

Pinapayuhan ang mga residente, lalo na sa low-lying at flood-prone areas, na manatiling alerto at bantayan ang official updates. | BChannel News