Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Katawan ng Agana bridge victim, narekober sa Dagupan; 3 pa nawawala

Narekober na ng Philippine Coast Guard ang katawan ng isa sa limang sakay ng SUV na nahulog sa Tarlac River matapos gumuho ang bahagi ng Agana Bridge sa Tarlac City noong August 29.

Natagpuan ang katawan sa karagatan malapit sa Barangay Pugaro sa Dagupan City, Pangasinan nitong August 31, dalawang araw matapos ang insidente.

Ayon sa Philippine Coast Guard, bandang alas-dose ng tanghali nang makatanggap ang Coast Guard Station Dagupan ng report tungkol sa isang bangkay na nakitang lumulutang sa tubig. Isang operator ng motorbanca ang unang nakapansin nito at agad na nagbigay ng impormasyon sa mga awtoridad.

Agad namang nagpadala ng response team ang Coast Guard para i-check ang report. Kinumpirma ng mga responder ang nakita at isinagawa ang retrieval operation.

Matapos makuha ang katawan, dinala ito sa Barangay Poblacion Oeste at itinurn-over sa Dagupan City Police Station 5 para sa kaukulang proseso.

Kinumpirma naman ni Tarlac City Mayor Susan Yap na ang narekober na katawan ay kabilang sa mga biktima ng Agana Bridge incident.

Samantala, tatlo pa ang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad. Patuloy ang search and rescue operations ng Coast Guard sa Tarlac River at sa mga downstream area, katuwang ang iba pang concerned agencies.

Limang tao ang sakay ng SUV nang mahulog ito sa ilog matapos bumigay ang bahagi ng Agana Bridge noong gabi ng August 29. Isang pasahero ang unang nailigtas, habang apat ang naiulat na nawawala.

Nagsilbing alternate route ang Agana Bridge matapos bumagsak naman ang bahagi ng Aquino Bridge sa Tarlac City noong gabi ng August 28 dahil sa malakas na ulan dulot ng Habagat. | BChannel News