Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Bagong DepEd tool, tutulong sa pag-iwas sa disaster sa mga school

May bagong digital tool ang Department of Education na maaaring gamitin ng mga school administrator sa pagtukoy ng posibleng panganib sa kanilang lugar bago pa lumala ang isang kalamidad.

Ang Project LIGTAS+ ay may interactive map na nagpapakita ng hazard risks sa mahigit 47,000 public schools. Pinagsasama nito ang weather forecasts, satellite data at impormasyon mula sa PAGASA, PHIVOLCS at Mines and Geosciences Bureau, pati international climate data.

Maaari ring mag-report ang mga school safety team ng aktuwal na kondisyon sa kanilang lugar at gumawa ng standardized emergency report sa loob umano ng limang minuto.

May guide din ang sistema para makatulong sa pagdedesisyon kung magpapatuloy ang klase, lilipat sa alternative learning, mag-aadjust ng schedule o magsususpinde.

Pero nilinaw ng DepEd na decision-support tool lamang ang LIGTAS+. Hindi nito pinapalitan ang official advisories, existing protocols at aktuwal na assessment sa field.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, layunin nitong makatulong para mas maagang makapagdesisyon ang mga paaralan at mabawasan ang pagkaantala sa pag-aaral tuwing may sakuna.