Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Security guard sa BatStateU Lipa Campus, pinahuhubad ang bra ng isang estudyante; unibersidad mag-iimbestiga

Iniimbestigahan ngayon ng Batangas State University, The National Engineering University – Lipa Campus sa Barangay Maraouy, Lipa City, Batangas ang reklamo ng isang transgender na first-year student na umano’y pinaghuhubad ng bra sa loob ng campus habang ipinapatupad ang dress code.

Nangyari umano ang insidente noong September 8, 2026, ayon sa pahayag ng estudyante na ibinahagi nito sa social media.

Ayon sa estudyanteng si Jamie, pumasok siya sa campus na suot ang kanyang PE uniform nang inspeksyunin ang kanyang bag at ID. Matapos nito, sinabi umano sa kanya ng isang security personnel na tanggalin ang kanyang earrings.

Pero ayon kay Jamie, mas naging mabigat ang sitwasyon nang utusan umano siyang tanggalin ang kanyang bra.

Sinabi niyang nangyari ito sa lobby, kung saan may iba pang students at security personnel. Ayon sa kanyang salaysay, nakaramdam siya ng hiya at distress dahil narinig umano ng ibang tao ang sinabi sa kanya.

Ibinahagi rin ni Jamie na transgender siya at sinabi niyang ang insidente ay nakaapekto sa kanyang dignity at sense of privacy.

“Umaasa ako na magkakaroon ng hustisya at babaguhin ang ganitong uri ng pagtingin at pagtrato sa akin.
ipapahubad nyo ang bra ko sa madaming tao at sasabihin saakin na hubarin mo yang bra mo sa madaming tao? GRABE NAMAN KAYO!!” saad nito sa post.

Sa official statement nitong September 12, sinabi ng BatStateU Lipa na kinikilala nito ang seryosong concern at distress na naramdaman ng estudyante.

Agad umano silang nagsagawa ng mga hakbang para alamin ang buong pangyayari. Na-refer ang estudyante sa Office of Guidance Counseling at nabigyan ng psychosocial support. Nakontak din ang kanyang mga magulang, habang nakausap siya ng Dean ng College of Teacher Education.

Hiniling din ng administration sa mga security personnel na sangkot, pati sa Head ng General Services Office o GSO, na magbigay ng kanilang paliwanag tungkol sa insidente.

Ayon sa university, sinusuri ngayon kung paano na-interpret at naipatupad ang dress code policy. Isinasagawa raw ang review batay sa fairness, objectivity, confidentiality at due process.

Samantala, kinondena ng National Union of Students of the Philippines o NUSP ang iniulat na treatment kay Jamie. Para sa grupo, hindi dapat gamitin ang school policies para mapahiya o ma-discriminate ang isang student, lalo na dahil sa gender identity o expression.

Nanawagan ang NUSP sa university na imbestigahan ang insidente, suriin ang dress code at magkaroon ng malinaw na paraan para maireport ang harassment at discrimination.

Sinabi ng university na nananatili itong committed sa isang “safe, respectful at inclusive na learning environment,” habang nagpapatuloy ang proseso para matukoy ang buong pangyayari. | BChannel News