Posibleng umabot sa P74.45 billion ang pondo ng PhilHealth sa 2027, kabilang ang P19 billion para sa pagpapalawak ng benefit packages at iba pang priority health programs.
Ayon sa Department of Budget and Management, bahagi ng target na paggamit ng pondo ang pagpapalakas ng coverage para sa mental health at severe malnutrition, pati suporta sa mga ospital na pinamamahalaan ng local government units.
Kasama rin sa proposed allocation ang premium subsidies ng gobyerno para sa mga kwalipikadong PhilHealth members. Target nitong masaklaw ang nasa 11.09 million beneficiaries sa 2027, mula sa tinatayang 10.65 million ngayong taon.
Kasabay nito, may inilaan nang pondo para mabawasan ang direktang gastos ng mga pasyente sa ospital.
Noong September, inaprubahan ng DBM ang P10.377 billion para sa Zero Balance Billing. Dito, P9.377 billion ang para sa DOH hospitals nationwide, habang P1 billion ang para sa anim na pilot LGU hospitals sa Benguet, Batangas, Laguna, Quezon, Aklan at Sarangani.
May hiwalay ding P800 million na inilabas para sa Philippine General Hospital, partikular para sa Zero Balance Billing.
Samantala, bahagi ang proposed PhilHealth allocation ng kabuuang P353.8-billion health sector investment ng gobyerno para sa 2027.
Kasama rito ang P107.29 billion para sa operasyon ng 72 DOH regional hospitals at iba pang health facilities, P25.39 billion para sa National Health Workforce Support System, at P3.75 billion para sa Cancer Assistance Fund.
Ngayong taon, umabot naman sa P129.8 billion ang kabuuang pondo para sa PhilHealth, matapos madagdagan ang initial na P53.13-billion subsidy ng P60 billion funding recovery boost at karagdagang P16.52 billion mula sa bicameral conference committee.