Nagbabala ang Department of Education na malaki na ang epekto sa learning time ng mga estudyante ng sunud-sunod na class suspensions dahil sa masamang panahon at iba pang disruptions.
Kaya hinihikayat ni Education Secretary Sonny Angara ang mga local government unit na gawing mas specific o localized ang pagsususpinde ng klase.
Ayon sa DepEd, hanggang September 11, ang mga school division sa buong bansa ay nawalan ng average na apat na learning days. Pero mas mataas ang bilang sa ilang lugar.
Sa Central Luzon, umabot sa average na siyam na araw ang nawalang learning days, habang 26 days naman sa Pampanga.
Sa Soccsksargen, 8.4 days ang average, habang 28 days sa Sarangani.
Sa Metro Manila naman, nasa 8.2 days ang average, kabilang ang 25 days sa Caloocan.
Ayon kay Angara, hindi sapat ang national average para makita ang tunay na sitwasyon dahil magkakaiba ang kondisyon ng bawat lugar.
Halimbawa, sa Calumpit, Bulacan, may mga school na apektado pa rin ng baha habang ang ibang paaralan ay ginagamit bilang evacuation center. Pero dahil natukoy kung aling schools ang affected, nakapagpatuloy ang ibang paaralan ng face-to-face classes.
Batay naman sa datos hanggang September 10, nasa 34,775 schools o 72.49 percent ng lahat ng DepEd schools nationwide ang nagpatupad ng class suspension mula nang magsimula ang school year.
Kasabay nito, pinag-aaralan ng gobyerno ang proposed Executive Order para magkaroon ng mas flexible na rules sa suspension at resumption ng classes.
Sa ilalim ng proposal, maaaring automatic, localized, o granular ang suspension depende sa lawak ng panganib.
At kahit magkaroon ng blanket suspension, maaari ring mag-resume ang isang school kapag napatunayang safe na ang lugar, basta may proper assessment at coordination sa concerned LGU.
Giit ng DepEd, safety pa rin ang priority. Pero kapag ligtas na, layunin nilang maibalik agad ang klase para hindi na madagdagan ang nawawalang learning days. | BChannel News