Opens in a new tab
Skip to content
National

P295-M commitment fees sa delayed transport projects, kinuwestyon sa Senado

Umabot sa P295 million ang commitment fees na binayaran ng gobyerno para sa mga foreign-assisted transport projects na matagal nang delayed o hindi pa nakagamit ng kanilang approved loans.

Ito ang kinuwestyon ni Senate President Sherwin Gatchalian sa Senate finance subcommittee hearing para sa 2027 budget ng Department of Transportation o DOTr.

Ang commitment fee ay bayad sa lenders para sa loan na available pero hindi pa nagagamit o naibibigay sa gobyerno.

Pinakamalaki rito ang South Commuter Railway Project, na may commitment fees na nasa P91 million. Bahagi ito ng North-South Commuter Railway o NSCR, na nade-delay ng isang taon dahil sa problema sa right-of-way.

Sumunod ang Davao Public Transport Modernization Project, na may nasa P85 million na commitment fees at delayed ng 56 months, o mahigit apat na taon. Ayon sa DOTr, pangunahing dahilan dito ang right-of-way. Sa 36 parcels of land, 24 na ang secured.

Apat namang proyekto ang nakapagbayad ng kabuuang P139,010,554.69 na commitment fees kahit wala pang loan availment.

Kabilang dito ang EDSA Greenways Project, na may P49,217,151 na fees at delayed ng 45 months. Sinabi ng DOTr na ise-shelve na ang proyekto.

Samantala, nasa P69 million ang commitment fees ng Cebu Bus Rapid Transit Project, na unang naaprubahan noong 2014 at na-delay ng isang dekada. Gumagana na ang package 1, pero hindi pa kumpleto ang right-of-way para sa packages 2 at 3.

Dahil dito, iminungkahi ni Gatchalian na i-review ng DOTr ang foreign-assisted projects at alisin ang mga proyektong hindi na kailangan para maiwasan ang dagdag na fees at pangungutang.

Sinabi naman ng DOTr na nagsimula na silang mag-review ng mga proyektong hindi na kayang ituloy ng ahensya.