Isang 28-anyos na store manager ang nasugatan sa umano’y pananaksak sa Lipa-Tiaong Road, Barangay Pinagkawitan, Lipa City, Batangas.
Batay sa report ng Lipa City Police Station, sakay ng kanyang kotse ang biktima, nang makita siya umano ng suspek, kasama ang isa pang lalaki. Sakay din ang mga ito ng ibang sasakyan at agad umanong nag-U-turn para sundan ang biktima.
Bumusina umano ang mga suspek, dahilan para bumaba ng sasakyan ang biktima. Nauwi ito sa mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng kasamang lalaki, na sinasabing may kinalaman sa selos.
Sa gitna ng argumento, bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang suspek at sinaksak ang biktima, na tinamaan sa kaliwang braso.
Agad namang nagmaneho ang biktima sa malapit na ospital para magpagamot, habang tumakas ang mga suspek.
Ang biktima ay tubong at kasalukuyang nakatira sa Purok 2, Barangay Natu Rosario, Batangas. Samantala, ang suspek ay residente ng Purok 5, Barangay Masaya, Rosario, Batangas, ay patuloy na hinahanap ng mga awtoridad.