Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Makabagong teknolohiya, ginagamit ng MERALCO sa Batangas laban sa brownout

Habang patuloy na hinahanap ang paraan para mabawasan ang mga brownout sa Batangas, kabilang sa mga ginagamit na solusyon ang modernong technology sa power distribution.

Isa sa mga halimbawa nito ang Pallocan West Gas-Insulated Switchgear o GIS Substation ng Meralco sa Batangas City, isang P450-million facility na gumagamit ng smart grid technology.

Pero paano nga ba nakakatulong ang ganitong technology sa reliability ng kuryente?

Sa isang modernized power system, maaaring mas mabilis na matukoy at ma-isolate ang bahagi ng network na may problema. Dahil dito, mas nababawasan ang epekto ng isang interruption sa ibang customers at mas napapabilis ang restoration ng serbisyo.

Sa ngayon, nagseserbisyo ang Meralco sa Sto. Tomas, Batangas City at San Pascual. Ayon sa Meralco, nakikita nila ang epekto ng reliable power supply sa pag-unlad ng mga lugar na ito at nais nitong magkaroon ng ganitong capability ang iba pang bahagi ng Batangas.

Ayon sa Meralco, mahalaga ito sa mga lugar na umaasa sa tuloy-tuloy na electricity supply, gaya ng hospitals, government offices, businesses at commercial establishments.

Kabilang sa mga sinusuplayan ng Pallocan West GIS Substation ang Office of the Vice Governor, Batangas Provincial Disaster Risk, Evaluation, Alleviation and Mitigation Zone, Bureau of Internal Revenue District Office-Batangas City at Batangas City Hall of Justice.

Kasama rin dito ang SM City Batangas, Wilcon Depot Batangas, United Doctors of St. Camillus de Lellis Hospital and Medical Center, Jesus of Nazareth Hospital Batangas, Days Hotel by Wyndham Batangas at Pontefino Hotel and Residences.

May indikasyon din sa datos ng Meralco na bumuti ang ilang reliability measures ng kanilang system.

Mula January hanggang June 2026, nasa 0.426 times ang average System Average Interruption Frequency Index o SAIFI. Mas mababa ito kumpara sa 0.477 times noong parehong period ng 2025.

Sa System Average Interruption Duration Index o SAIDI naman, bumaba ng 8 percent ang average interruption duration, mula 50.570 minutes noong 2025 hanggang 46.575 minutes ngayong 2026.

Hindi lamang substations ang bahagi ng modernization. Kabilang din sa technology investments ng Meralco ang Advanced Metering Infrastructure o smart meters, na maaaring magbigay ng mas mabilis na monitoring at mas maraming impormasyon tungkol sa paggamit at serbisyo ng kuryente.

Kasabay nito, bumilis din ang average time to connect ng bagong customers. Mula January hanggang June 2026, nasa 2.23 days na ito, kumpara sa 2.38 days noong 2025, o 6.3 percent improvement.

Nais ding gamitin ang technology at investment para matugunan ang power concerns sa iba pang bahagi ng Batangas.

Sinabi ng Meralco na handa itong suportahan ang Batangas Electric Cooperative o BATELEC I at BATELEC II sa pamamagitan ng posibleng capital investment at system upgrades.

Sa isang press briefing, sinabi ni Meralco Senior Vice President and Head of Distribution Utility Strategic Partnerships Atty. Arnel Casanova na bukas ang kumpanya na sumali sa public bidding, alinsunod sa batas, kung magkakaroon ng pagkakataon para sa investment o operasyon sa mga lugar na sakop ng dalawang electric cooperative.

Ayon kay Casanova, maaaring magkaroon ng capital infusion at system upgrades para matugunan ang mga problema sa power distribution at makatulong sa pagbawas ng madalas na brownouts.| via JMPamintuan