Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Batang Robotics team mula Ibaan, Batangas nagkamit ng Gold sa International competition sa Thailand

Buong puso na ipinagmamalaki ng Batangas ang mga batang Filipino robotics innovators na nagpakitang-gilas sa kanilang first-ever international competition sa 2026 Asia MakeX Robotics Competition – Asia Intercontinental Tournament sa Bangkok, Thailand.

Kabilang sa mga nag-uwi ng medalya ang team mula sa Ibaan Saint James Academy, Inc., na binubuo nina Justin Franz M. Buenviaje at Marqus Jin Chyler V. Medrano.

Sa Starter Category, na may 15 international participants, nagtapos ang Ibaan Saint James Academy sa 9th Place Overall, habang nakuha naman ng kanilang team na ISJAI CodeByte ang Gold Award sa Skills Quest.

Kasama rin sa kanilang delegation si Leo F. Villar, na nagsilbing coach, at si Arlene M. Soriano, Elementary Department Head ng paaralan.

Ayon sa Ibaan Saint James Academy, Inc., malaking achievement ang pagkapanalo ng kanilang mga estudyante dahil hindi lamang nila kinatawan ang kanilang paaralan, kundi pati ang kanilang komunidad at ang Pilipinas sa international stage.

Nagpasalamat din ang paaralan sa Avinya Incorporated para sa opportunity na makasali ang kanilang team sa kompetisyon.

Ang Gold Award ay dagdag karangalan para sa mga batang robotics enthusiasts mula Ibaan, na patuloy na ipinapakita ang potensyal ng kabataang Pilipino sa science, technology at innovation.

Ipinakita ng mga batang innovators na ang robotics ay hindi lamang tungkol sa paggawa ng machines. Kasama rito ang problem-solving, creativity, technical skills, teamwork at pagiging independent.

Hindi lang ang Batangueño team ang nagbigay ng karangalan sa Pilipinas. Sa Inspire Category, na may 54 international participants, nagpakitang-gilas din ang dalawang teams mula sa San Beda University Rizal.

Ang SBU RoboCubs 1, na kinatawan ni Thomas Francis Wynnifred Villa Inong, ay nagtapos sa 7th Place Overall at nagkamit ng Gold sa Skills Quest.

Samantala, ang SBU RoboCubs 2, na kinatawan ni Jude Eros Tadeo Lodea De Jesus, ay nagtapos sa 13th Place Overall at nakakuha naman ng Silver sa Skills Quest.

Sa Starter Category naman, isa pang San Beda University Rizal representative, si Xanthius Arqin Mesa Garcia, ang nagtapos sa 14th Place Overall at nag-uwi ng Silver sa Skills Quest.

Pero ayon sa organizers at educators, higit pa sa rankings at medals ang mahalaga sa achievement na ito.

Sa pamamagitan ng Avinya Curriculum, hindi lang tinuturuan ang mga estudyante kung paano gumawa at magpatakbo ng robots. Sinasanay din silang mag-isip at humanap ng sariling solusyon kapag may problema.

Kapag may malfunction, inaasahang kaya nilang i-check at i-diagnose ang problema, ayusin ang errors o bugs, gumawa ng mechanical repairs at pagandahin pa ang kanilang robot nang hindi agad umaasa sa external help.