Opens in a new tab
Skip to content
Education

DepEd, nagbabala sa fake officials na nanghihingi ng pera sa suppliers

May babala ang Department of Education o DepEd sa mga supplier at contractor matapos makatanggap ng reports tungkol sa isang modus na gumagamit umano sa pangalan ng mga opisyal ng ahensya.

Sa scheme, may mga taong nagpapakilalang may koneksyon kay Education Secretary Sonny Angara at iba pang DepEd officials, at sinasabing kailangan silang magbigay ng pera para umusad o makuha ang government contracts.

Kabilang sa mga binabanggit na transaksyon ang Notice of Award at Notice to Proceed.

Pero ayon sa DepEd, hindi bahagi ng official process ang paghingi ng bayad o pagpapadeposito sa personal o private account para makakuha ng kontrata.

Kaya kung may ganitong alok, payo ng ahensya, huwag munang maglabas ng pera at itago ang messages, account details at iba pang records na maaaring magsilbing ebidensya.

Maaari itong i-report sa DepEd, Philippine National Police o PNP, at National Bureau of Investigation o NBI para sa investigation at posibleng entrapment.

Sinabi rin ng DepEd na haharap sa kaso ang sinumang mapapatunayang gumamit sa pangalan ng ahensya o mga opisyal nito para makapanloko.