Opens in a new tab
Skip to content
National

PDEA nagbigay ng P9.1-million cash rewards sa 28 civilian informants

May kabuuang ₱9,146,279.85 na cash rewards ang ipinamahagi ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA sa 28 civilian informants, bilang pagkilala sa impormasyong nakatulong sa malalaking anti-illegal drug operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Anim sa mga informants ang personal na tumanggap ng kanilang reward sa PDEA National Headquarters sa Quezon City, habang ang iba naman ay nakatanggap nito sa kani-kanilang PDEA Regional Offices. Hindi isinapubliko ang identities ng mga informants dahil sa security reasons.

Ayon sa PDEA, ang kanilang mga impormasyon ay nakatulong sa pagkakasabat ng malalaking volume ng shabu, cocaine at marijuana, pati sa pagkakabuwag ng clandestine drug laboratories, pagpuksa sa marijuana plantations at pagkakaaresto sa mga high-value drug personalities.

Isa sa mga informants ang tumanggap ng ₱2 million matapos humantong ang kanyang impormasyon sa pagkakasabat ng 40,992.21 grams ng shabu at pagkakaaresto sa dalawang drug personalities sa isang buy-bust operation sa Andrade Street, Barangay Balingasa, Quezon City noong April 21, 2026.

Samantala, ₱1,508,535.33 naman ang reward sa isang informant na nagbigay ng impormasyon na humantong sa pagkakabuwag ng isang large-scale clandestine drug laboratory sa Sitio Kaybunga, Barangay Bulacan, Occidental Mindoro noong May 29, 2026.

Nasamsam doon ang 109.539 liters ng acetone, 1.512 liters ng hydrochloric acid, 30.27 liters ng liquid methamphetamine hydrochloride at 0.0108 liters ng sulfuric acid, bukod pa sa pagkakaaresto sa dalawang drug personalities.

May mga impormasyon din na nakatulong sa pagpuksa ng marijuana plantations.

Sa Mountain Province, isang informant ang ginawaran ng ₱240,000 matapos ma-uproot ang 12,000 fully grown marijuana plants sa Mt. Paras, Barangay Saclit, Sadanga noong February 27, 2026.

Noong April 18, 2026, isa pang informant ang nakatanggap ng ₱500,000 matapos ma-uproot ang 30,000 fully grown marijuana plants sa Mt. Fisak, Barangay Saclit, Sadanga.

Sa Kalinga naman, ₱360,000 ang reward sa isang informant matapos madiskubre at ma-eradicate ang marijuana plantation na may lawak na 3,000 square meters sa Barangay Loccong, Tinglayan. Umabot sa 18,000 fully grown marijuana plants ang na-uproot at tatlong drug personalities ang naaresto noong May 4, 2026.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, mahalaga ang citizen participation dahil nakakatulong ang timely at reliable information sa pagtukoy ng drug personalities, laboratories at cultivation sites.

Hinihikayat naman ng ahensya ang publiko na magsumbong tungkol sa illegal drug activities sa Operation: Private Eye hotline na 0917-867-7332.