Binalaan ng Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG ang publiko, partikular sa mga gumagamit ng slimming products, na maging maingat sa pagbili ng mga produktong pampapayat.
Kasunod ito ng pagkakasabat sa tinatayang ₱6.1 milyong halaga ng umano’y counterfeit at trademark-infringing slimming coffee sa isang warehouse sa Barangay Parulan, Plaridel, Bulacan.
Isinagawa ang operasyon noong October 6, 2026, mula alas-2:30 ng hapon hanggang alas-6:55 ng gabi, sa bisa ng search warrant para sa paglabag sa Republic Act Number 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Arestado ang walong suspek kabilang ang isang Chinese national, limang Pinoy at dalawang Pinay na pawang empleyado umano ng pasilidad.
Ayon sa CIDG, nahuli ang mga ito habang may kontrol sa mga produktong pinaniniwalaang lumalabag sa trademark at umano’y gumagawa ng slimming coffee nang walang authorization mula sa trademark owner.
Bukod sa finished products, nakumpiska rin ang raw materials, packaging materials, at production at manufacturing equipment.
Paalala ng CIDG, maaaring hindi dumaan sa tamang regulatory evaluation ang mga pekeng food products. Dahil dito, posibleng may taglay na toxic o banned chemicals na maaaring magdulot ng seryosong panganib sa kalusugan.
Hinimok din ang publiko na i-check muna ang mga produktong binibili at i-report ang kahina-hinalang operasyon sa kanilang lugar.
Samantala, sinabi ng CIDG na magpapatuloy ang kanilang operasyon laban sa counterfeiting at trademark infringement sa buong bansa.