Nasamsam ang tinatayang ₱896,000 halaga ng hinihinalang pekeng “Magic Sarap” sa isang operasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group o PNP-CIDG sa Barangay Bulua, Cagayan de Oro City.
Mahigit 160 kahon ng umano’y counterfeit at trademark-infringing food seasoning products ang nakumpiska, habang isang Chinese national na sinabing may-ari ng tindahan ang naaresto.
Ayon sa CIDG, isinagawa ang operasyon noong October 5, 2026, mula 2:14 ng madaling araw hanggang 6:25 ng gabi. Kasama sa operasyon ang CIDG Misamis Oriental/Camiguin Provincial Field Unit, CIDG Regional Field Unit 10, CIDG Cagayan de Oro City Field Unit, Regional Intelligence Unit 10, Provincial Intelligence Team of Misamis Oriental, mga kinatawan ng Nestlé Philippines Inc., at territorial police units.
Ayon sa report na isinumite kay CIDG Director Police Major General Robert AA Morico II, naaktuhan umano ang suspek na nagbebenta at nakikipagkalakalan ng mga hinihinalang pekeng pampalasa.
Dahil dito, mahaharap siya sa kasong paglabag sa Republic Act 8293 o Intellectual Property Code of the Philippines.
Bukod sa usapin ng trademark, sinabi ng CIDG na maaaring magkaroon ng panganib sa consumers ang mga pekeng food products dahil hindi dumadaan ang mga ito sa tamang health at sanitary safety evaluations.
Paalala ng CIDG, maging mapanuri sa mga binibiling produkto at i-report ang mga kahina-hinalang consumer products upang maprotektahan ang publiko laban sa counterfeit goods.