Opens in a new tab
Skip to content
Business

COA, pinuna ang halos P40-billion na paper losses sa stock investments ng SSS

Nasa halos 40 billion pesos ang naitalang unrealized losses sa stock investments ng Social Security System o SSS, ayon sa Commission on Audit o COA, na nagbabala sa kawalan ng pormal na limitasyon para maagapan ang pagkalugi sa investments.

Sa 2025 Annual Audit Report ng SSS, umabot sa 39.994 billion pesos ang unrealized equity losses, mula sa 11.6 billion pesos noong 2021. Katumbas ito ng 245-percent increase, na iniugnay ng COA sa kawalan ng formal stop-loss thresholds o mga limitasyong magsisilbing trigger para sa corrective action at proteksiyon sa Investment Reserve Fund.

Ayon din sa auditors, ang naturang paper loss ay katumbas ng 32.93 percent ng original acquisition cost na 121.467 billion pesos.

Pero nilinaw ng SSS na ang unrealized loss ay accounting adjustment lamang dahil sa pansamantalang pagbabago ng stock prices. Hindi pa aktuwal na nalulugi ang pera hangga’t hindi ibinebenta ang investment nang mas mababa sa purchase price. Mula 2018 hanggang 2025, nakapagtala rin ang equity portfolio ng 30.132 billion pesos na pinagsamang dividend income at realized gains.

Tiniyak ng SSS na diversified ang investments nito at tumatanggap ito ng tinatayang siyam na billion pesos na dividend income kada taon.

Samantala, mula January hanggang June 2026, umakyat ng 19 percent ang benefit payouts sa 173.45 billion pesos, mula sa 145.73 billion pesos sa kaparehong panahon noong 2025.
Naglabas din ang SSS ng karagdagang 7.4 billion pesos na pension benefits para sa 4.1 million pensioners sa ilalim ng second tranche ng Pension Reform Program.
Patuloy namang sinusuri ng ahensya ang investment strategy nito at sinabing sumusunod ito sa Social Security Act of 2018.