Opens in a new tab
Skip to content
Batangas Province

Special task group, binuo sa pagpaslang sa brgy. Chairman sa Sto. Tomas; P200k reward, inalok

Patay matapos pagbabarilin ang isang barangay captain sa loob ng kaniyang bahay sa Barangay Sta. Anastacia, Sto. Tomas City, Batangas, nitong umaga ng October 15.

Kinilala ang biktima na si Barangay Captain Dennis Tenorio Austria, 50 anyos.

Batay sa initial police investigation, nagwawalis ng terrace sa kaniyang bahay si Austria dakong alas-6:20 ng umaga nang lapitan at pagbabarilin siya ng isang hindi pa nakikilalang lalaki.

Matapos ang pamamaril, sumakay ang gunman sa isang white-and-blue motorcycle na minamaneho ng isa pang hindi pa nakikilalang lalaki na nakasuot ng white long-sleeved shirt. Tumakas ang dalawa patungong Calamba City, Laguna.

Agad na isinugod ang biktima sa ospital, ngunit idineklarang dead on arrival.

Bilang tugon, naglunsad ang Batangas Police Provincial Office o BPPO ng Special Investigation Task Group o SITG upang pagsama-samahin ang intelligence, forensic at operational efforts para matukoy at maaresto ang mga suspek, gayundin ang motibo sa krimen.

Nagsasagawa na rin ng CCTV review at backtracking ang mga imbestigador, habang humihingi ng tulong para sa technical investigation at crime scene processing. Nagsimula na rin ang hot pursuit operations ng Tracker Team.

Kinondena ng BPPO ang pagpatay at nagpahayag ng pakikiramay sa pamilya ng biktima at sa komunidad ng Barangay Sta. Anastacia.

Nanawagan din ang pulisya sa publiko na huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon at agad na i-report ang anumang impormasyong makatutulong sa imbestigasyon sa Sto. Tomas Component City Police Station o sa pinakamalapit na police station.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang dahilan ng pamamaril.

Naglaan naman si Sto. Tomas City Mayor Arth Jhun Marasigan ng P200,000 reward para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong makatutulong sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa mga suspek. Mariin ding kinondena ng alkalde ang pagpatay kay Austria.

Patuloy na sumisigaw ng hustisya ang mga kaanak, kaibigan, at kinasasakupan ng kapitan. | BChannel news