Muling pinayagan ng provincial government ng Occidental Mindoro ang pagpasok ng live pigs o buhay na baboy mula sa mga lugar na may iba’t ibang antas ng panganib sa African Swine Fever o ASF, upang makatulong sa suplay ng karne sa probinsya.
Sa ilalim ng Executive Order No. 75, series of 2026, na nilagdaan ni Governor Eduardo B. Gadiano noong October 27, 2026, inalis ang temporary ban na ipinatupad sa ilalim ng Executive Order No. 63-B dahil sa naitalang aktibong kaso ng ASF sa Barangay Central, San Jose.
Saklaw ng bagong kautusan ang mga buhay na baboy na dadalhin sa slaughterhouses mula sa mga probinsiyang classified bilang dark green, light green, yellow at pink zones, basta kumpleto ang mga dokumento at nasusunod ang animal health at biosecurity requirements.
Gayunman, hindi nangangahulugang malaya na ang pagpasok ng lahat ng baboy at karne. Mahigpit pa ring kinokontrol ang fresh at frozen pork, gayundin ang processed pork products. Kailangan ang mga kaukulang shipping permit, meat inspection certificate at iba pang dokumentong nakadepende sa uri ng produkto.
Inaatasan din ang mga shipper na makipag-ugnayan sa Office of the Provincial Veterinarian nang hindi bababa sa tatlong working days bago dumating ang mga kargang buhay na baboy. Sa border checkpoints, susuriin ang mga dokumento at hayop, habang kailangang ma-disinfect ang mga sasakyang pangbiyahe bago ilipat ang mga baboy sa lokal na transport vehicle.
Kapag dumating na sa municipal slaughterhouse, isasagawa ang random blood testing at kailangang maipakatay ang mga baboy sa loob ng 24 hours. Ipinagbabawal din ang stockyard operations, habang hindi pinapayagan ang pagmamarka sa balat gamit ang blade o tinatawag na “zorro markings.”
Nakasaad din sa kautusan na dapat unahin ang lokal na suplay ng buhay na baboy bago bumili mula sa ibang probinsya. Samantala, ang breeder pigs at piglets mula sa accredited farms, pati processed semen mula sa accredited centers, ay maaari lamang pumasok kapag nasunod ang mga itinakdang kondisyon.
Sakaling may paglabag, maaaring kumpiskahin at itapon ang mga ilegal na ipinapasok na hayop o pork products, at posibleng masuspinde o makansela ang mga kaukulang permit at lisensya.
Ayon sa provincial government, layunin ng bagong polisiya na mapunan ang pangangailangan sa baboy at pork products habang pinananatili ang mahigpit na proteksyon laban sa pagkalat ng ASF sa Occidental Mindoro.