Tumaas sa 2.86 million ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong September 2026, mas mataas ng 909-thousand kumpara sa kaparehong buwan noong nakaraang taon, batay sa Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Umangat din sa 5.4 percent ang unemployment rate mula sa 3.8 percent noong September 2025, habang bumaba naman sa 94.6 percent ang employment rate mula sa dating 96.2 percent.
Bagama’t nadagdagan ng 721-thousand ang mga may trabaho, umabot lamang ito sa 50.32 million mula sa 49.6 million noong nakaraang taon.
Pinakamalaking nagdagdag ng trabaho ang Services sector na may 869-thousand, kasunod ang Agriculture na may 86-thousand. Ngunit nabawasan naman ng 234-thousand ang workers sa Industry sector, dahil pangunahing naapektuhan ang construction industry na nawalan ng 271-thousand workers.
Samantala, mas naging hamon din ang paghahanap ng trabaho para sa kabataan dahil umakyat sa 15.3 percent ang youth unemployment rate mula sa 11.6 percent, kahit nadagdagan ng 606-thousand ang mga kabataang may trabaho.
Bilang tugon, nagsagawa ang DOLE ng Trabaho Agad job fairs noong September 14 sa 86 sites, kung saan 1,352 employers ang nag-alok ng 157,097 job vacancies. Nasa 2,467 jobseekers ang natanggap agad mula sa 28,795 na aplikante.
Naglaan din ang ahensya ng 386.6 million pesos na TUPAD at DILP assistance para sa 49,879 workers na naapektuhan ng habagat sa Central Luzon.
Ayon sa DOLE, palalakasin pa nila ang job matching, skills training at livelihood programs upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng disente at pangmatagalang trabaho.