Mga pulis na umano’y sangkot, nagbibigay-proteksyon o nagpapabaya sa operasyon ng illegal gambling sa Batangas ang kabilang sa iimbestigahan ng Batangas Police Provincial Office o Batangas PPO.
Sa official statement nitong November 5, sinabi ng tanggapan na iniutos na ng Provincial Director ang masusing beripikasyon sa mga ulat tungkol sa talamak na ilegal na sugal sa lalawigan, kasabay ng pagpapalakas ng intelligence-driven operations laban sa mga ito.
Kabilang sa mga tinukoy na ilegal na aktibidad ang unauthorized bookmaking, illegal numbers games, sakla, color games at iba pang uri ng sugal na walang kaukulang awtorisasyon.
Nilinaw naman ng Batangas PPO na hindi dapat ipagkamali ang mga ito sa lehitimong Small Town Lottery o STL operations. Gayunman, hindi rin nangangahulugang maaaring magsagawa ng iba pang sugal na labas sa saklaw ng kanilang permit.
Binigyang-diin ng pulisya na walang sinumang opisyal o tauhan ang maaaring lumahok, magbigay-proteksyon o tumanggap ng benepisyo mula sa illegal gambling. Sinumang mapatunayang sangkot, anuman ang ranggo o posisyon, ay haharap sa kaukulang criminal at administrative cases.
Hiniling din ng Batangas PPO sa publiko na magbigay ng specific at beripikadong impormasyon, kabilang ang lokasyon at uri ng operasyon, upang makatulong sa imbestigasyon.
Ayon sa tanggapan, hindi sapat ang mga pahayag lamang at dapat mapatunayan sa aktuwal na pagpapatupad ng batas ang kanilang pangakong papanagutin ang sinumang mapatunayang lumabag sa kanilang tungkulin.