Opens in a new tab
Skip to content
Local

Mahigit P1.4-milyong halaga ng shabu, nasamsam sa Calamba City, Laguna

Nasamsam ng mga pulis ang mahigit ₱1.4 million na halaga ng hinihinalang shabu mula sa isang high-value individual sa buy-bust operation sa Barangay Pansol, Calamba City, Laguna, nitong November 3, 2026, bandang alas-6 ng gabi.

Kinilala ng Laguna Police Provincial Office ang naarestong suspek na si “Kunat,” residente ng Calamba City.

Ayon sa Calamba Component City Police Station, naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng ilegal na droga sa isang pulis na nagpanggap na buyer.

Siyam na plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu ang nakumpiska, na may kabuuang timbang na 213.4 grams at standard drug price na mahigit ₱1.4 million. Nakuha rin ang isang pouch at buy-bust money.

Isinagawa ang operasyon sa koordinasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Nasa kustodiya na ng Calamba police ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.