Sa isinagawang province-wide operations ng Batangas Provincial Police nitong April 9, umabot sa 966 katao ang nahuli dahil sa iba’t ibang paglabag sa city at municipal ordinances.
Kabilang sa mga naitala ang 385 menor de edad na lumabag sa curfew, 176 na nahuling umiinom sa kalye o naninigarilyo sa pampublikong lugar, at 41 na lumabag sa oras ng paggamit ng karaoke.
Mayroon ding 71 na nahuling walang suot na damit sa kalsada, habang 293 naman ang nasita sa iba pang paglabag.
Sa kabuuan, 158 ang pinagmulta habang 808 ang pinayuhan o pinakawalan matapos sitahin.
Ayon sa pulisya, layunin ng operasyon na paigtingin ang pagpapatupad ng lokal na ordinansa at mapanatili ang kaayusan sa komunidad.
Gayunman, paalala rin sa publiko na mahalaga ang tamang pagpapatupad nito at pagrespeto sa karapatan ng bawat mamamayan.
Hinihikayat ang publiko na sumunod sa mga alituntunin at makiisa sa pagpapanatili ng kaayusan sa kanilang lugar.