Pinapabilis ng Government Service Insurance System o GSIS ang pag-release ng loan refunds sa ilalim ng “Balik Ginhawa” program, kung saan sinasabing makukuha ng mga kwalipikadong miyembro at pensioner ang kanilang refund sa loob ng tatlong working days matapos maaprubahan ang aplikasyon.
Ayon sa GSIS, saklaw ng refund ang hanggang tatlong buwang hulog ng loan mula Disyembre 2025 hanggang Pebrero 2026, basta’t walang sabit o atraso ang borrower.
Patuloy pa rin ang kaltas sa loan, pero pahahabain ng tatlong buwan ang pagbabayad nang walang dagdag na interes o penalty.
Depende sa hulog, maaaring umabot mula labindalawang libo hanggang mahigit isang daang libong piso ang matatanggap na refund.
Sa datos ng ahensya, higit apatnaraang libong miyembro na ang nakatanggap ng kabuuang lampas anim na bilyong piso mula sa programang may target na mahigit isang milyong benepisyaryo.
Isinasagawa ang aplikasyon sa pamamagitan ng GSIS Touch mobile app, habang bukas ang programa hanggang Oktubre 31, 2026, bilang bahagi ng mga hakbang para maibsan ang gastusin ng mga miyembro sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.