Sa gitna ng global tensions at tumataas na shipping costs, sinabi ng Department of Health na inaasahang mananatiling stable ang presyo ng gamot sa bansa hanggang Hunyo 2026.
Ayon kay Teodoro Herbosa, may sapat na supply at inventory ang mga pharmaceutical companies kaya walang agarang paggalaw sa presyo sa ngayon.
Pero nilinaw ng DOH na posibleng magbago ito kapag pumasok ang bagong stock pagkatapos ng Hunyo, lalo na kung patuloy ang pagtaas ng freight at transport costs dulot ng sitwasyon sa Middle East.
May commitment umano ang pharma companies na hindi muna magtataas ng presyo, pero hanggang Hunyo lang ito. Kapag naapektuhan na ang logistics, maaaring ipasa ang dagdag gastos sa presyo ng gamot o akuin muna ng manufacturers.
Patuloy namang mino-monitor ng DOH, katuwang ang Department of Trade and Industry at Department of the Interior and Local Government, ang galaw ng presyo sa merkado sa ilalim ng Cheaper Medicines Act of 2008.
Sa ngayon, tiniyak ng DOH na walang kakulangan sa essential medicines tulad ng insulin at antibiotics, habang patuloy ang pagbabantay sakaling magkaroon ng price changes sa mga susunod na buwan.