Arestado ang isang 54-anyos na construction worker matapos masangkot sa umano’y pananaga sa bayan ng Lian, Batangas gabi ng April 29.
Batay sa imbestigasyon ng Lian Municipal Police Station, bandang 6:55 ng gabi nang magtungo ang 38-anyos na biktima kasama ang kaniyang asawa sa bahay ng suspek dahil sa usaping may kinalaman umano sa trabaho.
Doon, nauwi umano sa mainitang pagtatalo ang pag-uusap hanggang sa bigla umanong taga-in ng suspek ang biktima sa kaliwang braso gamit ang hindi pa matukoy na patalim, na nagdulot ng malubhang sugat.
Agad na naisugod ang biktima sa Hospital para sa agarang gamutan.
Matapos ang insidente, mabilis na nagsagawa ng follow-up operation ang mga rumespondeng pulis na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng Lian police ang suspek.
Inihahanda na rin ang pagsasampa ng kasong Frustrated Homicide laban sa kaniya sa Office of the Provincial Prosecutor.
Patuloy naman ang paalala ng Batangas Police Provincial Office sa publiko na pairalin ang mahinahong pagresolba sa alitan upang maiwasan ang karahasan.