Arestado ang isang 55-anyos na lalaki sa Brgy. Calangay, San Nicolas, Batangas matapos salakayin ng mga awtoridad ang kaniyang bahay noong May 7, 2026 kaugnay ng umano’y paglabag sa batas kontra ilegal na baril at droga.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Jay,” may asawa, at residente ng nasabing bayan.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng San Nicolas Municipal Police Station sa pamamagitan ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 13 sa Tanauan City noong May 4.
Sa pagsisilbi ng warrant, narekober umano ang isang 9mm pistol, mga magazine at bala ng caliber 9mm at .45, holster, improvised tooter, at iba pang gamit.
Dinala sa San Nicolas Municipal Police Station ang suspek para sa tamang disposisyon at paghahanda ng kaukulang kaso.
Patuloy namang pinaigting ng Batangas Police ang kampanya kontra kriminalidad upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa lalawigan.