Patay ang isang 46-anyos na construction worker matapos umano siyang saksakin ng kaniyang foreman kasunod ng mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa harap ng kanilang barracks sa Brgy. Iba, Silang, Cavite, gabi ng May 6.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Silang Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang alas-9:30 ng gabi nang pumasok ang biktima sa barracks upang magpahinga at nakiusap sa mga kasama na hinaan ang speaker. Ngunit nauwi umano sa argumento ang pagpasok ng suspek, hanggang sa bigla nitong inundayan ng saksak ang biktima gamit ang ice pick sa dibdib, braso, at magkabilang tuhod.
Tinangka pang awatin ng kanilang mga katrabaho ang dalawa, pero matapos ang pananaksak ay agad tumakas ang suspek.
Isinugod pa sa ospital ang biktima ngunit idineklara itong dead on arrival.
Narekober naman ng mga awtoridad ang ice pick na ginamit sa insidente, habang nagpapatuloy ang hot pursuit operation laban sa suspek na nananatiling at large.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya ang motibo sa krimen.