
Kalaboso ang isang babaeng hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos mahuli sa ikinasang buy-bust operation sa Barangay Sta. Lucia, Dasmariñas City, Cavite nitong Huwebes ng hapon.
Kinilala ang suspek na si “Nia,” na residente rin ng naturang lugar. Pinangunahan ng PDEA CALABARZON, kasama ang iba pang anti-drug units at pulisya, ang operasyon laban sa suspek.
Sa operasyon, nasamsam ang tinatayang 35 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P238,000, at 133 piraso ng ecstasy tablets na aabot naman sa mahigit P226,000.
Narekober din ng mga awtoridad ang buy-bust money at isang cellphone na posibleng may kaugnayan sa ilegal na transaksyon.
Sa kabuuan, lampas P464,000 halaga ng hinihinalang droga ang nakuha sa operasyon.
Mahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot.