Mahigit 1.6 million pamilyang Pilipino na ang naka-exit o nakapagtapos sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps matapos umanong umangat ang kanilang kalagayan, ayon sa Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Batay sa ahensya, sinusukat ang progreso ng mga benepisyaryo gamit ang Social Welfare and Development Indicator o SWDI, kung saan tinitingnan kung ang isang pamilya ay nasa survival, subsistence, o self-sufficient level na.
Pinakamarami umano sa mga nakaangat ay mula sa Cordillera Administrative Region, habang kabilang din sa may mataas na bilang ang NCR, Ilocos Region, Calabarzon, at Central Luzon.
Layunin ng programa na hindi lang magbigay ng cash aid kundi suportahan din ang edukasyon at kalusugan ng mga anak ng mahihirap na pamilya, habang tinutulungan silang maging mas independent sa pagdaan ng panahon.
Sa ilalim ng Kilos-Unlad strategy, tinutugunan din ang iba’t ibang pangangailangan ng pamilya sa tulong ng local government units at iba pang ahensya upang masigurong may follow-up support kahit matapos sila sa programa.
Bilang pagkilala, isinasagawa ang “Pugay Tagumpay” graduation rites kung saan tumatanggap ng sertipiko ang mga pamilyang nakaabot sa self-sufficient level.