Isang 67-anyos na babae ang natagpuang wala nang buhay sa isang madamong lugar sa Sitio Linga, Brgy. San Pedro sa Morong noong madaling araw ng Mayo 18.
Ayon sa imbestigasyon ng Morong Municipal Police Station, unang nakatanggap ng report ang kanilang himpilan bandang alas-7:50 ng umaga kaugnay sa pagkakadiskubre sa bangkay ng biktima malapit sa kaniyang bahay.
Agad namang rumesponde ang mga pulis at investigator para magsagawa ng imbestigasyon at crime scene processing katuwang ang Rizal Provincial Forensic Unit.
Batay sa nakalap na impormasyon, huling nakitang kasama umano ng biktima ang suspek habang nag-iinuman kasama ang pamilya nito bago nagkaroon ng mainitang pagtatalo. Kalaunan, natagpuan ang biktima na may malalang pinsala sa ulo at wala umanong pang-ibabang damit.
Dahil sa isinagawang follow-up investigation, hot pursuit operation, at tulong ng ilang concerned citizens, mabilis na natukoy ng mga pulis ang pinagtataguan ng suspek sa bayan ng Binangonan. Sa joint operation ng Morong MPS at Binangonan MPS, naaresto ang suspek noong Mayo 19.
Inihahanda na ngayon ng mga awtoridad ang kasong Rape with Homicide laban sa suspek.
Ayon naman kay Eleazar R. Barber Jr., hindi umano hahayaan ng kapulisan na manaig ang karahasan at kriminalidad sa lalawigan, habang tiniyak nitong patuloy nilang ipatutupad ang mabilis na aksyon para makamit ang hustisya para sa biktima at pamilya nito.