Sugatan ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa loob ng isang tindahan sa Sitio Labrador, Barangay Sta. Catalina Norte sa Candelaria, Quezon, gabi ng Hunyo 17.
Batay sa paunang imbestigasyon, nasa loob ng tindahan ang store owner na si Alexis, 32-anyos, kasama ang 19-anyos na si John nang dumating ang isa sa mga suspek at nagpanggap na magpapadala ng pera gamit ang e-wallet. Makalipas ang ilang sandali, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at nagpaputok.
Tinamaan si Alexis sa kanang balikat habang nagtamo naman ng tama ng bala sa kaliwang binti si John. Agad silang tinulungan ng mga barangay tanod at isinugod sa Hospital para sa agarang gamutan.
Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang dalawang suspek at dumaan umano sa kahabaan ng Candelaria-San Juan Road.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng pulisya. Kinakausap na rin ang mga residente at mga posibleng saksi habang sinusuri ang mga CCTV camera sa lugar upang makatulong sa pagkilala sa mga salarin at sa motibo ng pamamaril.
Sa ngayon, wala pang naiuulat na pagkakakilanlan ng mga suspek.