Nagpahayag ng pakikiramay ang Department of Education sa pamilya ng isang Grade 3 pupil ng Lapulapu Elementary School sa Agdao, Davao City na pumanaw matapos ang isang insidenteng umano’y naganap sa loob ng paaralan.
Ayon sa DepEd, nakikipag-ugnayan na ang Regional Office XI, Schools Division of Davao City, at pamunuan ng paaralan sa mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Nagbibigay na rin ng psychosocial support sa mga mag-aaral at guro na apektado ng pangyayari.
Samantala, nagsagawa na ng imbestigasyon ang Davao City Police Office kaugnay sa pagkamatay ng 8-anyos na bata. Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap umano ang insidente noong July 17 sa loob ng paaralan kung saan nasangkot ang kapwa estudyante ng biktima.
Ayon sa hepe ng Sta. Ana Police Station, inamin umano ng batang lalaki sa isang guro na hinampas niya ng notebook sa ulo ang batang babae matapos ang away ng dalawa.
Matapos ang insidente, nakaranas umano ng pananakit ng katawan ang bata. Dinala siya sa Southern Philippines Medical Center noong July 21, ngunit kalaunan ay pumanaw rin.
Batay sa paunang findings ng doktor, ang sanhi umano ng pagkamatay ay brain failure at traumatic brain injury, bagama’t naghihintay pa ang mga awtoridad ng karagdagang medical reports.
Sinabi rin ng ina ng bata sa pulisya na posibleng may kinalaman ang umano’y bullying sa nangyari. Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang opisyal na resulta ng pagsusuri sa kaso.