Opens in a new tab
Skip to content
National

PBBM: Kaso laban kay Romualdez, malapit nang ihain sa Ombudsman

Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang ikalimang State of the Nation Address sa Batasang Pambansa na malapit nang ihain sa Office of the Ombudsman ang ilang kaso laban sa dating House Speaker Martin Romualdez kaugnay ng isinasagawang imbestigasyon sa flood control projects.

Ayon sa Pangulo, isinagawa ang malawakang imbestigasyon nang walang kinikilingan at sinundan ang lahat ng ebidensya. Sinabi rin niyang bilang Pangulo, tungkulin niya ang sambayanang Pilipino at hindi ang sariling pamilya.

Dagdag pa niya, may mga naihain nang kaso at may mga naaresto na ring contractors, ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH, at ilang mambabatas. Ayon din sa Pangulo, halos P25 billion na halaga ng pondo at mga ari-arian ang nabawi, na-freeze, o napreserba, habang mahigit P800 million ang naibalik na sa National Treasury.

Samantala, sinabi ni Romualdez na iginagalang niya ang naging pahayag ng Pangulo. Iginiit niyang wala siyang nilabag na batas at handa siyang harapin ang proseso at patunayan ang kanyang panig. | BChannel NEWS