Aabot sa P1.36 milyon na halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa isang buy-bust operation sa Barangay Salaban 1, Ibaan, Batangas noong Hulyo 27, 2026.
Ayon sa Batangas PPO, arestado sa operasyon ang isang 36-anyos na motorcycle taxi rider ng ‘Move it’ na itinuturing na high-value individual o HVI. Ayon sa pulisya, nahuli umano ang suspek matapos bentahan ng hinihinalang ilegal na droga ang isang undercover operative.
Nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang 200 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money na nagkakahalaga ng P300,000, isang cellphone, at iba pang ebidensya. Dinala ang suspek sa medical examination at sa forensic unit para sa drug testing.
Isusumite naman sa laboratoryo ang mga nakuhang hinihinalang droga habang inihahanda ang pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Ayon sa Batangas Police Provincial Office, patuloy ang kanilang mga operasyon laban sa ilegal na droga sa lalawigan. | BChannel News