Opens in a new tab
Skip to content
National

P85 dagdag-sahod sa NCR, Pansamantalang Hindi Muna Ipatutupad

Pansamantalang hindi muna maipatutupad ang P85 na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa pribadong sektor sa Metro Manila matapos maglabas ng status quo ante order ang Pasig City Regional Trial Court noong Hulyo 24.

Ang kautusan ay inilabas isang araw bago sana magkabisa ang unang bahagi ng wage increase noong Hulyo 25. Kaugnay ito ng petisyong inihain ng isang construction firm na kumukuwestiyon sa wage order para sa National Capital Region.

Bago ang kautusan ng korte, sinabi ng Department of Labor and Employment na ang wage hike ay ipatutupad sa dalawang yugto, kung saan P60 ang unang dagdag na nakatakda sana noong Hulyo 25, 2026, at karagdagang P25 sa Enero 20, 2027. Kapag naisakatuparan, aabot sana sa P780 ang daily minimum wage ng mga non-agricultural worker sa Metro Manila.

Sa ngayon, mananatiling hindi muna ipinatutupad ang wage increase habang hinihintay ang mga susunod na pagdinig at desisyon ng korte sa kaso.

Wala pang nilalabas na pahayag ang DOLE sa naturang order. | BChannel News