Opens in a new tab
Skip to content
Local

Drayber na nanipa ng mga motorsiklo, sinuspinde ng LTO

Naglabas ng Show Cause Order o SCO ang Land Transportation Office laban sa drayber at rehistradong may-ari ng isang sasakyan matapos kumalat ang video ng paninipa at pagtutulak sa mga motorsiklong nakaharang sa parking area ng isang paaralan sa Cagayan Valley Region.

Sa viral video, makikitang sinipa at itinulak ng drayber ang mga motorsiklong nasa daraanan nito upang makalabas ang kanyang sasakyan, dahilan upang matumba ang ilan sa mga ito.

Dahil dito, agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang LTO Intelligence and Investigation Division at natukoy ang rehistradong may-ari ng sasakyan. Inaatasan ngayon ang drayber at may-ari na humarap sa pagdinig at magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang driver’s license ng sangkot na motorista.

Kasabay nito, isinailalim sa 90-araw na preventive suspension ang lisensya ng drayber habang inalarmo rin ang sasakyan upang hindi muna makapagproseso ng mga transaksyon sa LTO habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng dahas sa kalsada at maging sa mga parking area. Aniya, patuloy na kikilos ang ahensya laban sa mga motorista na nagpapakita ng iresponsableng pag-uugali sa pampublikong lugar.