Ibinasura ng Supreme Court En Banc ang petisyon na humihiling na ilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ang buong at hindi na-edit na draft report kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y mga iregularidad sa mga flood control project sa buong bansa.
Ayon sa Korte Suprema, wala umanong batas na nag-uutos sa komite na ilabas ang isang hindi pa pinal at hindi pa aprubadong ulat. Ipinaliwanag din ng SC na ang draft report ay bahagi pa lamang ng internal na proseso at hindi pa opisyal na rekord ng Senado.
Iginiit din ng Korte na hindi maaaring gamitin ang mandamus para pilitin ang komite na ilabas ang dokumento dahil wala itong legal na obligasyong gawin ito.
Ang kaso ay inihain ni Atty. Eldrige Marvin B. Aceron at iba pang abogado matapos lumabas sa ilang media outlet noong Pebrero ang isang umano’y draft report na nagrekomenda ng pagsasampa ng mga kaso laban sa ilang senador at iba pang opisyal ng gobyerno.