Isang Metrobank ATM ang sinira at nilimas ang laman ng tatlong hindi pa nakikilalang suspek sa loob ng Puregold sa Barangay I-A, Colago Avenue, San Pablo City, Laguna, madaling-araw ng Agosto 19, 2026.
Ayon sa Police Regional Office CALABARZON, nadiskubre ang insidente bandang 6:50 ng umaga, nang magsagawa ng opening inspection ang mga empleyado bago buksan ang tindahan.
Napansin umano nila ang isang butas sa gilid ng gusali. Sa isinagawang pag-iikot, nakita ang isang sirang ATM, na pinaniniwalaang pinasok ng mga suspek. Hindi pa matukoy ang eksaktong halaga ng pera na nawawala mula sa makina.
Ayon sa paunang imbestigasyon, tatlong lalaki ang sangkot sa insidente. Pare-pareho umano silang nakasuot ng itim na jacket at itim na pantalon, bago tumakas patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.
Agad namang nagsagawa ng initial investigation ang San Pablo City Police Station.
Kinokolekta at nire-review na rin ng mga awtoridad ang mga available na CCTV footage sa lugar upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at matunton ang kanilang dinaanang ruta.
Hiningi rin ng pulisya ang assistance ng Scene of the Crime Operations o SOCO para sa technical examination ng lugar.
Kabilang sa mga unang nagbigay ng impormasyon sa pulisya ang store manager, security guard at assistant control operations personnel ng establisimyento.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon at wala pang natutukoy o naaarestong suspek. Hindi pa rin matukoy ang eksaktong halaga ng perang nakuha umano mula sa ATM. | BChannel News