Opens in a new tab
Skip to content
Local

P292-M halagang shabu, itinago sa mga pekeng talc stone; nasabat sa Maynila

Isang bagong paraan ng pagtatago ng ilegal na droga ang nadiskubre ng Bureau of Customs o BOC at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA matapos maharang ang shipment na naglalaman ng tinatayang 43 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P292.4 milyon.

Nahuli ang kontrabando sa Manila International Container Port o MICP sa Maynila, matapos isailalim sa 100 percent physical examination ang dalawang 20-foot container na nagmula sa Afghanistan, kasunod ng risk profiling at monitoring sa mga kargamentong itinuturing na high-risk.

Ayon sa BOC, itinago ang mga hinihinalang shabu sa mga fabric pouch na binalutan ng materyal na kahawig ng plaster of Paris at idinisenyong magmukhang talc stones, upang tumugma sa idineklarang laman ng shipment.

Sa isa pang bahagi ng kargamento, iniulat ding natagpuan ang mga bag na may filler masterbatch, isang materyales na ginagamit sa paggawa ng plastic.

Pinangunahan ni BOC Commissioner Arnel Nepomuceno ang inspeksyon sa nakumpiskang kargamento. Ayon sa kanya, ipinapakita ng pagkakasabat ang kahalagahan ng mahigpit na risk profiling, border control at pagsusuri sa mga high-risk shipment upang mapigilan ang pagpasok ng ilegal na droga sa bansa.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng BOC at PDEA upang matukoy ang mga nasa likod ng shipment, ang destinasyon nito, at kung may iba pang sangkot sa pagtatangka umanong ipuslit ang kontrabando sa bansa. | BChannel news |📸 BOC