Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Pinapapasok sa gitna ng bagyo o baha? DOLE, naglabas ng bagong guidelines

May karapatan ang mga manggagawa sa pribadong sektor na tumangging pumasok o magtrabaho kapag may agarang panganib sa kanilang kaligtasan at kalusugan dahil sa sama ng panahon o iba pang katulad na insidente, ayon sa Department of Labor and Employment o DOLE.

Nakasaad ito sa Labor Advisory No. 14, Series of 2026, na nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino noong Agosto 19.

Sa ilalim ng bagong guidelines, maaaring magsuspinde ng trabaho ang mga pribadong kumpanya kapag nagdudulot ng panganib ang bagyo, pagbaha at iba pang weather disturbances. Maaari itong gawin ng employer bilang bahagi ng kanilang management prerogative, katuwang ang safety and health committee o safety officer.

Mahalaga ring tandaan na ang manggagawang hindi pumasok o tumangging magtrabaho dahil sa imminent danger ay hindi dapat patawan ng administrative sanction.

Pero may epekto ito sa sahod. Kapag suspendido ang trabaho at hindi pumasok ang empleyado, walang regular pay para sa araw na iyon, maliban kung may company policy, established practice o collective bargaining agreement na nagbibigay ng mas magandang benepisyo. Maaari rin nilang gamitin ang kanilang leave credits kung papayagan ng employer.

Para naman sa mga pumasok, ang nagtrabaho ng hindi bababa sa anim na oras ay entitled sa buong regular pay. Kung mas mababa sa anim na oras ang trabaho, proportionate pay ang matatanggap.

Maaari ring magbigay ang mga employer ng karagdagang incentive o benepisyo sa mga empleyadong pumapasok sa kabila ng weather disturbances. | BChannel News