Opens in a new tab
Skip to content
Local

Tricycle driver, pinagsasaksak at tinaga sa Gumaca, Quezon; suspek, patuloy na tinutugis

crime scene do not cross signage

Nagsasagawa ngayon ng manhunt operation ang Gumaca Municipal Police Station laban sa isang 46-anyos na lalaki na suspek sa pagpatay sa isang tricycle driver sa Barangay Villa Victoria, Gumaca, Quezon.

Batay sa initial investigation, nangyari ang insidente dakong alas-4:40 ng hapon noong September 29, 2026, sa isang liblib na bahagi ng barangay na nasa tinatayang 13 kilometro mula sa Gumaca MPS.

Ayon sa pulisya, minamaneho ng 44-anyos na biktima ang kanyang tricycle mula Barangay Manlayaan papuntang Barangay M.H. Del Pilar nang makarating sa Barangay Villa Victoria.

Dito umano ay hinabol ng suspek, na may dalang patalim, ang isang dumaraang tricycle at tinangkang atakihin ang mga sakay nito, pero hindi nagtagumpay.

Sinundan umano nito ang tricycle ng biktima. Ayon sa imbestigasyon, sinaksak at ilang beses na hinack ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.

Tumakas ang suspek matapos ang insidente at hanggang ngayon ay hindi pa nahuhuli.

Kinilala ng pulisya ang biktima bilang si Jervin, 44-anyos, at residente ng M.H. Del Pilar, Gumaca.

Ang suspek naman ay kinilalang si Mercedito, 46-anyos, tubong Barangay Busdak, San Francisco, Quezon, at residente ng Barangay Villa, Gumaca.

Patuloy ang manhunt operation, habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa motibo ng suspek.