Opens in a new tab
Skip to content
Calamity

Lahat ng probinsya, posibleng tamaan ng drought sa 2027

Posibleng makaranas ng matinding tagtuyot o drought ang lahat ng probinsya sa Pilipinas pagsapit ng katapusan ng March 2027, base sa latest meteorological outlook kaugnay ng inaasahang Super El Niño.

Ayon kay Department of Science and Technology o DOST Secretary Renato Solidum Jr., kabilang ito sa mga posibleng epekto ng weather phenomenon sa bansa.

Kaugnay nito, nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources o DENR sa publiko na simulan nang magtipid sa tubig habang sapat pa ang kasalukuyang suplay.

Sa pahayag ng DENR nitong October 4, sinabi ng ahensya na hindi pa nararanasan ang pinakamalalang epekto ng Super El Niño.

Kabilang sa kanilang payo ang pag-aayos ng mga tumutulong gripo at pag-iimbak lamang ng sapat na tubig para sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Maaari rin umanong gumamit ng rainwater catchment system para makapag-ipon ng tubig-ulan na maaaring gamitin sa paglilinis, pagdidilig ng halaman at iba pang gawain na hindi nangangailangan ng drinking water.

Samantala, sinabi ng Department of Trade and Industry o DTI na sapat pa ang suplay ng inuming tubig.

Sa paliwanag naman ng DOST-PAGASA, itinuturing na drought ang tatlong magkakasunod na buwan ng way-below-normal rainfall, o limang magkakasunod na buwan na below-normal ang rainfall.

Dahil dito, hinihikayat ang mga pamilya na maging maingat sa paggamit ng tubig habang naghahanda sa posibleng mas matinding epekto ng Super El Niño sa mga susunod na buwan.