Mas pinahihigpit na ngayon ang parusa laban sa mga motoristang sangkot sa mga insidente sa pedestrian lane, kasunod ng pagkakasangkot ng isang driver sa pagkamatay ng isang 82-anyos na babae sa Maharlika Highway sa Naga City, Camarines Sur.
Tumatawid umano ang biktima sa itinakdang tawiran nang mabangga at magtamo ng matinding pinsala. Bagama’t naisugod pa siya sa Bicol Medical Center, idineklara siyang dead on arrival.
Dahil dito, ipinataw ng Land Transportation Office o LTO ang habambuhay na pagbabawal sa driver na magmaneho. Inatasan din siyang isuko ang kanyang lisensya habang isinailalim sa alarm status ang sangkot na sasakyan, dahilan upang suspendihin ang mga transaksyon at operasyon nito.
Bahagi ito ng mas mahigpit na patakaran ng LTO na nagkabisa noong October 5, kung saan ang mga kasong nagreresulta sa pagkamatay ng pedestrian ay maaaring humantong sa permanenteng pagbawi ng driver’s license. Sa mga insidenteng may sugatan, maaari namang patawan ng isang taong revocation at iba pang kaukulang parusa depende sa resulta ng imbestigasyon.
Ayon sa LTO, layunin ng bagong polisiya na palakasin ang proteksyon sa mga pedestrian at paigtingin ang pananagutan ng mga motorista na lumalabag sa mga batas-trapiko, lalo na sa mga tawirang nakalaan para sa kaligtasan ng publiko. | BChannel news