Iimbestigahan ng Department of the Interior and Local Government o DILG si Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Jeryll Harold Respicio, matapos ang mainit na pagtatalo sa isang regular session ng Sangguniang Bayan na na-livestream sa kanyang Facebook page.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, hindi katanggap-tanggap ang naging asal ni Respicio bilang isang public official. Pinag-aaralan din ng DILG ang pag-isyu ng show cause order para mapaliwanag ng vice mayor ang nangyari.
Iminungkahi rin ni Remulla na sumailalim sa drug test si Respicio. Sa phone interview, sinabi ng vice mayor na handa siyang gawin ito.
Naging mainit ang session matapos kuwestiyunin ni Respicio ang ilang barangay officials tungkol sa status ng mga proyekto na pinopondohan mula sa share ng local government sa tobacco excise taxes.
Kabilang sa kanyang hinarap si Sinippil Barangay Captain Rafael Medrano, na inakusahan niyang hina-harass ang tobacco farmers. Nang tawagin siyang rude ni Medrano at hilinging maglabas ng ebidensya, lalo pang uminit ang palitan at tinawag ni Respicio na mga magnanakaw ang mga barangay officials.
Sa kabila nito, sinabi ni Respicio na wala siyang pinagsisisihan dahil kung hindi niya ginawa ang kanyang ginawa, hindi umano mapag-uusapan ang problema ng tobacco farmers.
Samantala, may ilang netizens na nananawagan din na imbestigahan ang mga barangay officials na nasangkot sa insidente.