Tinatayang nasa ₱10 milyon hanggang ₱15 milyon ang halaga ng mga alahas na natangay sa isang jewelry shop sa loob ng isang mall sa Barangay Balibago, Santa Rosa City, Laguna, nitong October 6.
Bukod sa mga alahas, tinangay din umano ng dalawang suspek ang ₱30,000 cash proceeds ng tindahan.
Ayon sa Santa Rosa City Police Station, nangyari ang insidente bandang 8:45 ng gabi, habang nagsasara na ang store at nagsasagawa ng inventory ang mga empleyado.
Base sa initial investigation, biglang dumating ang dalawang lalaki. Itinutok umano ng unang suspek ang baril sa isang biktima, habang kinuha naman ng kanyang kasama ang mga alahas na nasa ibabaw ng glass cabinet at ang iba pang jewelry na inilagay sa dala nitong sako.
Matapos nito, pinapunta umano ng gunman ang mga biktima sa staff room habang hawak pa rin ang baril. Sinundan sila ng ikalawang suspek at kinuha ang mga alahas na nasa loob ng bukas na vault.
Pagkatapos ng insidente, tumakas ang dalawang suspek nang naglalakad palabas sa main entrance ng mall.
Bandang 11:10 ng gabi nang makatanggap ng tawag ang City Tactical Operations Center ng Santa Rosa Police mula sa mall security tungkol sa insidente. Agad namang ipinadala ang SWAT personnel para i-verify ang report.
Patuloy ngayon ang imbestigasyon. Kabilang sa ginagawa ng pulisya ang pag-review at pag-backtrack ng CCTV footage, pag-interview sa mga posibleng saksi, at pag-request ng SOCO para sa crime scene processing. Sa ngayon, wala pang pahayag ang mall sa naturang insidente.