Hindi lang pagkawala ng tradisyon ang dapat bantayan sa pangangalaga ng kulturang katutubo, kundi pati ang posibilidad na pagkakitaan ito ng iba nang walang pahintulot at sapat na pakinabang para sa mga tunay na nagmamay-ari ng kaalaman.
Ito ang binigyang-diin ni Senator Loren Legarda ngayong National Indigenous Peoples Month sa Oktubre, kasabay ng panawagan para sa mas matibay na proteksiyon sa mga disenyo, tradisyon, at kaalamang minana ng mga katutubong pamayanan sa kanilang mga ninuno.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1253 o Traditional Property Rights of Indigenous Peoples Act, nais ni Legarda na kilalanin ang kolektibong karapatan ng mga katutubo sa kanilang tradisyunal na pagpapahayag ng kultura, kaalaman, at nakagawiang gawain. Kabilang sa panukala ang paghingi ng Free, Prior and Informed Consent o FPIC bago gamitin ang mga ito, pati ang pagpapataw ng parusa sa mga hindi awtorisadong paggamit.
Ayon kay Legarda, dapat may pagkilala, pahintulot, at patas na pakinabang ang mga pamayanang pinagmulan ng kaalaman, lalo na kung gagamitin ito sa mga produkto, pananaliksik, negosyo, o iba pang pagkakakitaan.
Sa datos ng National Commission on Indigenous Peoples o NCIP, may 113 Indigenous Cultural Communities at Indigenous Peoples sa Pilipinas.
Bukod sa proteksiyon sa kultura, inihain din ni Legarda ang Senate Bill No. 311 o Indigenous Community Conserved Territories and Areas Act, na naglalayong kilalanin ang mga lugar na pinangangalagaan ng mga katutubo at ang kanilang papel sa pagprotekta sa likas-yaman.
Para kay Legarda, hindi sapat na tangkilikin ang mga katutubong habi, sining, at tradisyon. Mahalaga ring maprotektahan ang karapatan at kabuhayan ng mga taong patuloy na nagpapanatili sa mga ito, upang hindi sila maiwan habang ang iba ang nakikinabang sa kanilang kultura.