Isang lalaki na virtual assistant ang inaresto ng Lipa City Police noong madaling-araw ng October 13, 2026, matapos umanong paulit-ulit na banggain ang isang SUV sa gitna ng road rage incident sa Lipa City, Batangas. Nahaharap ang suspek sa 8 kasong attempted murder.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nangyari ang insidente bandang 12:50 AM at ini-report sa mga awtoridad bandang 5:15 AM.
Sakay ang mga biktima sa isang puting SUV at binabagtas ang kalsadang patungong Barangay Marawoy nang makasalubong nila ang isang silver kotse.
Ayon sa ulat, mabilis umanong minaneho ng suspek na si Christian ang sasakyan at sumalungat sa daloy ng trapiko. Kalaunan, in-overtake at bigla rin umano nitong hinarangan ang sasakyan ng mga biktima.
Tinangka ng driver na umiwas sa posibleng komprontasyon sa pamamagitan ng pag-U-turn, pero sinundan pa rin sila ng suspek hanggang Ayala Highway sa Barangay Balintawak.
Dito na umano nagsimulang banggain ng suspek ang likurang bahagi ng kanilang sasakyan. Muli itong nangyari sa Robinsons Rotonda at sa iba pang bahagi ng Lipa City, kabilang ang B. Morada Street malapit sa Lipa Grace Academy.
Sa kabila ng sunod-sunod na pagbangga, nagpatuloy sa pagmamaneho ang biktima hanggang makarating sa Lipa City Police Community Precinct o Lipa CCPS para humingi ng tulong. Inaresto agad ng mga rumespondeng pulis ang suspek.
Walong indibidwal ang nakatala bilang mga biktima sa police report. Gayunman, walang naiulat na nasaktan o nagtamo ng nakikitang pisikal na injury sa insidente.
Nagkaroon naman ng pinsala ang kaliwang likurang bahagi ng SUV at kanang harapang bahagi ng kotse.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek sa Lipa City Prosecutor’s Office. | BChannel News